Ang Aking Inay

Dec 11, 2012

Totoo nga pala na kailangan mo munang maging isang ina bago mo maintindihan ang iyong sariling ina.  Nuong bata ako, hindi ko maintindihan ang mga ginawa ng aking inay, at malimit ay nagagalit ako sa kanya. Sa aking batang isipan, hindi niya gusto na maging masaya ako: hindi puedeng maglaro sa tanghali, dapat matulog; hindi puedeng uminom ng softdrinks, dapat tubig; bawal magbasa ng komiks at marami pang bawal. Ngayon na ako ay isa na ring ina, lagi ko na ring ibinabawal ang mga bagay na iyon sa aking mga anak: hindi dahil ayaw ko silang maging masaya, kundi dahil mahal ko sila.
Ipinagpapasalamat ko ng malaki na kapiling ko sa aking tahanan ang aking inay.  Kung wala siya, at ang aking kapatid, kailangan ko pang bumayad sa ibang tao upang subaybayan ang aking mga anak habang kami ay nasa trabaho. Pero dahil nandyan siya, kampante ako na ang aking mga anak ay inaaruga at minamahal, katulad ng pagmamahal at pag-aaruga niya sa akin at sa mga kapatid ko. 
At sa edad nyang 58, pilit pa rin siyang tumutulong sa akin at sa pamilya ko. Nagtitinda pa rin sya para makadagdag sa budget namin.  At kahit ilang ulit kong sabihin na hindi niya kailangan magtinda, lagi nyang sinasabi na masaya siya sa ginagawa niya. Salamat talaga sa aking inay.
Kaya wag nyo kakalimutan araw araw na iparamdam din sa inyong mga inay ang pagmamahal at pasasalamat nyo sa kanila dahil sila ay isang mahalagang bahagi ng ating buhay. Kaya mahal na mahal namin ang aming Inay! Salamat Inay!

Kuha nga pala ito sa Quezon Memorial Circle. Wala ding hilig magpose ang Inay eh, he he he.


0 comments: to “ Ang Aking Inay

Post a Comment

 

Design by Amanda @ Blogger Buster